TULA: Pag-ibig sa Tinubuang Lupa

Pag-ibig sa Tinubuang Lupa ni Andres Bonifacio

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinub’ang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala…

Walang mahalagang hindi inihandog
Ng may pusong mahal sa Bayang kumupkop;
Dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod,
Buhay ma’y abuting magkalagot-lagot…

Sa kaniya’y utang ang unang pagtanggap
Ng simoy ng hanging nagbigay-lunas
Sa inis na puso na sisinghap-singhap
Sa balong malalim ng siphayo’t hirap…

Ang nangakarang panahon ng aliw
Ang inaasahang araw na darating
Ng pagkatimawa ng mga alipin,
Liban pa sa bayan saan tatanghalin?…

Kung ang bayang ito’y nasasapanganib
At siya ay dapat ipagtangkilik
Ang anak, asawa, magulang, kapatid
Isang tawag niya’y tatalikdang pilit…

Nasaan ang dangal ng mga Tagalog?
Nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Baya’y inaapi, bakit di kumilos
At natitilihang ito’y mapanood?…

Kayong mga dukhang walang tanging [palad]
Kundi ang mabuhay sa dalita’t hirap
Ampunin ang Bayan kung nasa ay lunas
Pagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.

Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig,
Hangang sa may dugo’y ubusing itigis,
Kung sa pagtatanggol buhay ay [mapatid]
Ito’y kapalaran at tunay na langit.

Tags: , , , ,

Posted in Halimbawa ng Tula